Introduksyon
Malaking kontribusyon ang nagagawa ng siyensya at teknolohiya sa buhay ng tao. Marami itong naibahaging tiyak na nakatutulong sa patuloy na pagusad ng mundo. Isang mahalagang kontribusyon nito ay ang paglikha ng intrumentong pangtransportasyon. Ang transportasyon ay isang importanteng aspeto sa nakasanayang buhay ng tao. Ito ay isang espesyal na midyum na tumutupad sa pangangailangan ng isang aktibong indibidwal. Sa tulong na naibabahagi nito, ang paglalakabay ng tao sa iba’t-ibang lugar ay mas naging madali pati na rin ang paghahatid ng mga produkto at serbisyo para sa industriya (Philippine Daily Inquirer, October, 1988).
Hindi maiaalis sa pagiisip ng tao ang maghanap pa ng mas madaling uri ng transportasyon dahil sa patuloy na pagbabago ng siklo ng buhay. Ayon sa pagaaral na ginawa nina Bajar at Lingad (1990), tila ang problemang patungkol sa kakulangan ng transportasyon sa Maynila ang siyang naglunsad sa pagusbong ng mga tinatawag na pedicabs. Ang pedicab ay isang bisikletang kinabitan ng sidecar. Ito ay pinapatakbo ng isang indibidwal sa pamamagitan ng pagpadyak habang sakay sakay ang isa hanggang dalawang pasahero na pumapasada sa kalye (Merriam-Webster, 2011). Hindi nagtagal, unti-unti ng umusbong at lumaganap ang mga pedicabs na ito sa bansa. Habang ito’y lumalaganap lalo na sa kamaynilaan, marami, dagdag nina Bijar at Lingad, sa kanila ang itinuturing na parang isang salot sa daanan ng mga motorista, sapagkat sa kabagalan ng kanilang pagtakbo na nagreresulta sa pagbagal ng takbo ng trapiko. Hindi rin sila sumusunod sa batas trapiko. At kung minsan ay makatawag pansin pa dahil sa maingay na patugtog nito at sa mga makukulay na takip ng kanilang sasakyan.
Sa kabila ng mga negatibong pagtingin ng mga tao, kaalinsabay ng mga iba’t-ibang problemang tumatalakay sa kanilang pamumuhay, nananatili pa rin silang tatak ng isang Pilipino at isang huwarang nagtataguyod ng kaniyang sarili upang mamuhay sa mahirap na daloy ng buhay. Mula rito, mapagtatanto ng isang indibidwal kung ano ang rason ng isang pedicab driver kung bakit nanatili pa rin siya sa ganitong trabaho. Nakapagbibigay ito ng ideya upang alamin ang kanilang buhay bilang isang pedicab driver.
Diskusyon
Ang pedicab ay nagsisilbing isang uri ng transportasyon sa buong kamaynilaan. Ito ay isang tugon sa mga taong higit na nangangailangan pa ng mas “flexible” na uri ng transportasyon dahil sa iba’t-ibang pangangailangan, tulad ng pagpunta sa mga makikitid na daan. Ayon sa Collins English Dictionary (2003), ang pedicab ay isang pampublikong sasakyang de-pidal na may nakakabit na side car, kung saan maaring makasakay ang isa hanggang dalawang pasahero. Sa bahaging ito ng pag-aaral tungkol sa mga pedicab drivers, nais ipakita ng pagririsetrs na ito ang maikling kasaysayan ng pagkakaroon ng pedicab, ang tungkol sa mga pedicab drivers, mga tugon at opinion ng mga ordinaryong tao patungkol sa kanilang hanap-buhay, mga naisaad na patakaran ng gobyerno para sa mga drayber at mga impormasyong nakalap sa pagiinterbyu ng isang pedicab driver.
Kasaysayan
Sinasabing nagmula sa salitang Jinrikisha na may ibigsabihin na “man powered car” ang pedicab. Ito ay unang umusbong sa bansang Japan na ipinakilala ni Jonathan Goble noong 1871. Noon pa man, ayon kanila Tony Wheeler at Richard l’Anson (1998), isa na itong uri ng transportasyong pang ekonomikal na kung saan ay ginagamit ng tao upang makapaghanap-buhay. Nagsimulang kumalat ang ganitong uri ng transportasyon sa ilang bahagi ng Asya noong 1874 hanggang sa dumating ito sa Pilipinas noong 1939 at laganap pa rin ito hanggang sa kasalukuyan.
Pedicab Drayber
Ang mga pedicabs na ito ay malimit na makikita sa mga abalang kalsada ng kamaynilaan. Makikita sila na may makukulay na takip sa sidecar ng kanilang sasakyan, pasingit-singit sa ibang mga motorista upang makadiskarte ng pasahero. Minsan ay makikita ang hilera ng mga ito sa tinatawag nilang “terminal”. Ito ang lugar kung saan sila idinestino ng ilan sa mga opisyal ng pamahalaan upang magkaroon ng kaunting kaayusan sa daloy ng trapiko. Karamihan sa mga nagpapatakbo ng mga pedicabs ay mga kalalakihang hindi nakapagtapos ng pag-aaral. Ang mga ito ay tinatayang may edad na 16 taon gulang pataas (Police Regional Office 8, 2011). Ayon sa isang risertser na si Armando Dimagiba (2011), ang karaniwang pedicab driver ay kumikita ng humigit kumulang 250-350 piso kada araw.
Halos lahat din ng mga drayber ng nasabing sasakyan ay may binubuhay na pamilya at sila rin ay nabibilang sa mababang sektor ng lipunan. Ayon sa Philippine Daily Inquirer (1990), maraming mga kaakibat na kapahamakan ang pagpapatuloy sa ganitong klase ng trabaho. Kung titingnan ang lagay ng drayber sa ganitong sitwasyon, masasabing delikado ito dahil maaring maaksidente sila sa kadahilanang nabunggo ng mga motorist. Isa pang halimbawa ay ang pagmamaneho nila pababa mula sa mataas na lugar katulad na lamang ng sinabi ng isang pedicab drayber na: “Pabilis ka na lang ng pabilis. Yung brakes hindi na tumatalab. Dire-diretso ka na lang pababa kung mabigat ang dala mo. Nakakatakot nga, eh.”
Mabuti na lamang at gumawa ng aksyon ang ilan sa mga opisyal ng pamahalaan na tutugon sa problemang ito ng mga ordinaryong mamamayan ng bansa na marangal na naghahanap-buhay. Ayon sa The Philippine Star (2003), nagkakaroon na ng ilang mga pribilehiyo ang mga nasabing drayber patungkol sa kanilang trabaho. Isa na rito ang pagkakaroon nila ng tinatawag na “Pinoy Health Pass” na kung saan tutugon sa pangunahing medikal na pangangailangan nila.
Tugon at Opinyon ng mga Ordinaryong Tao
Halos lahat ng mga pedicab na makikita sa Maynila ay hindi nakarehistro sa Land Trasportation Office o LTO (2010). Ito ay nagreresulta sa isa na namang problema sa pagdaloy ng trapiko. Dahil dito, karamihan ng mga taong nakakakita sa mga ito ay itinuturing silang salot sa kalsada at kung minsan ay tinatawag pang pesticabs dahil sa ugali nitong pasulpot-sulpot at pasingit-singit sa kalsada na mabagal pa ang takbo. Nagiging masikip ang kalsada at dahil doon, hihirap ang daloy ng trapiko.
Ayon sa pag-aaral na ginawa nina Bajar at Lingad (1990), ipinakita ng sarbey na kanilang ginwa sa mga ordinaryong tao at mga motorista na karamihan daw sa mga pedicab drayber ang hindi sumusunod sa batas trapiko kahit na alam pa nilang hindi sila nakarehistro sa gobyerno. Patuloy pang tumatakbo ang mga pedicab drayber na ito sa gitna ng interseksyon sa kalsada na akala ay sila ang may-ari ng kalsada, ilan pa raw sa mga ito ang sobra kung magpatong ng singil lalo na kung hindi maganda ang takbo na panahon. At higit sa lahat, marami pa raw dito sa mga drayber na ito na nagsasabing sila dapat ay intindihin dahil sa mabagal na takbo ng kanilang sasakyan.
Ayon naman kay Cecille Matutina, isang kolomnista ng Manila Chronicles sa Lifestyle and Entertainment Section (1990), ang pinaka nakakainis at nakakaalarmang bagay na patungkol sa mga pedicabs ay iyong isinasalamin nito ang estado ng ekonomiya ng ating bansa. Habang dapat ay umuunlad na tayo kasabay ng pagtanggal ng mga jeep at traysikel sa uri ng transportasyon sa bansa dahil sa mabilisang daloy ng buhay, tayo ay humakbang pa patalikod at umusbong ang tinatawag na pedicab.
Dahil dyan, nabibigyan ng masamang imahe ang mga drayber na ito sa mata ng mga tao. Nawawalan sila ng boses upang makapgpaliwanag ng kanilang mga tugon ukol sa mga isyung ipinupukol sa kanila ng lipunan.
Interbyu ng Isang Pedicab Drayber
Isang pedicab drayber ang ininterbyu upang malaman ang kanyang buhay bilang drayber. Inalam din ang mga suliraning kanyang hinaharap patungkol sa trabaho at kung papaano niya ito nilulutas. Inalam din ang mga mensaheng gusto niyang iparating sa mga tao.
Si Manong Gismundo De Vega, 57 taong gulang, ang nakapanayam sa pagiinterbyung ito. Isinaad niya na may kita siyang 300-400 araw-araw, at binabdyet niya ng mabuti ang kita para sa limang anak na dalawa pa rito nagaaral pa. Ayon sa kanya, napagradweyt na niya ang tatlong anak ng kolehiyo sa tulong ng kanyang pagpepedicab. Dahil sa matinding pangangailangan ng salapi, kinakailangan niyang magtrabaho mula umaga hanggang dapit hapon upang makakita ng salaping makakapagtustos sa pangangailangan ng pamilya.
Ilan sa mga suliraning kinahaharap niya sa kanyang paghahanap-buhay ay iyong mga patakarang ipinapatupad ng gobyerno patungkol sa kanila. Isa na rito ang hindi pagpapahintulot sa kanila na ipagpatuloy ang pagsa-sidecar dahil nakakaambag lamang sila sa matinding problema sa daloy ng trapiko. Nagkakaroon ng araw kung saan aaksyon ang mga opisyal. Huhulihin nila ang mga nagsasidecar. Dahil sa kahabagan na rin ng mga puso ng mga opisyal na ito, ipinagmumulta na lamang ang mga drayber na ito ng 300 piso at iiwanan ang sidecar sa mga opisyales ng higit isang lingo, pagkatapos ay maari nang tubusin. Ito ay marahil hanapbuhay na rin ng mga mahihirap kung kaya’t sila ay pinagbibigyan upang may pagkakitaan. Isa pang problemang tinukoy ni Mang Gismundo ay iyong mga kuliglig na tinuturing nilang kakumpitensya. Nauubusan kasi sila ng mga pasahero dahil sa mga kuliglig na ito.
Isa lamang daw ang kanyang layunin kung bakit patuloy pa rin siya sa trabahong ito. Iyon ay upang buhayin ang kanyang pamilya. Gagawin niya ang lahat upang matugunan lamang ang mga pangangailangan ng kanyang pamilya.
Idinagdag pa niya ang mga mensahe niya tungkol sa kanyang mga pasahero at sa gobyerno. Para sa kanyang pasahero: “Sa mga pasahero, lalo na sa mga taga La Salle, St. Scho.. Huwag kayong magsasawang sumakay sa pedicab. Huwag na sa kuliglig! Nalulugi ang mga pedicab e. Marami sa amin ang hindi na nagkakaroon ng sapat na kita dahil sa mga kuliglig.”
Para sa gobyerno: “Gawin niyo na lamang legal ang ganitong uri ng pagtatrabaho. Marangal naman ito at hindi kami gumagawa ng masama.”
Mga Naisasaad na Patakaran ng Gobyerno
Ayon sa The Manila Bulletin (2010), simula ng nailuklok si Mayor AlfredoLim, nagkaroon na ng tinatawag na Manila Tricycle Regolatory Office (MTRO) kung saan binabantayan ang mga traysikel, pedicab at kuliglig sa malalaking kalsada ng Kamaynilaan. Marami kasi sa mga ito ang lumalagpas sa mga maaari lamang nilang lakbayan. Dahil doon, hinuhuli sila at ipinagmumulta ng 300 sa bawat pagtubos nito makalipas ang isang linggo mula sa araw ng paghuli. Kung tutuusin, ayon kay Senior Police Officer 4 Oscar Huligang, hindi naman iligal ang pagmamaneho ng ganitong uri ng transportasyon. Ngunit, kung sila ay lumabas na sa mga pangunahing kalsada sa kamaynilaan, maituturing na itong illegal sapagkat, unang una ay hindi sila nakarehistro at pangalawa, nakadaragdag lamang sila sa masikip at mabagal na daloy ng trapiko.
Kongklusyon
Dahil sa mga nakalap na impormasyon patungkol sa mga pedicab drayber, masasabing mahirap ang maging isang tulad nila na pumapadyak sa takbo ng buhay. Kinakailangan nilang magpagod araw-araw upang kumita lamang ng 300-400 piso upang buhayin ang pamilyang kanilang mahal at higi na pinahahalagahan. Mababakas din sa kanilang gawain na sila ay namumuhay ng marangal dahil sa nagtatrabaho sila ng marangal at hindi gumagawa ng krimeng labis na makasasama sa lipunan. Dahil sa pagririserts na ginawa, nasilayan ang mumunting buhay ng isang drayber – kung paano sila umaksyon sa takbo ng buhay.
Mga Reperensya:
1. Bajar, Jose Vittorio R., Lingad, Benigno B. Composite Profile of the Filipino Pedicab Driver. DLSU-Manila. December 1990. Print.
2. Fernandez, Justin. A Pedicab Driver’s Life Story. Web. 27 June, 2010.
<http://justinfernandez.wordpress.com/>
3. Doris. The Life of a Pedicab Driver. Web. 20 August 2009.
<http://www.mylot.com/w/discussions/>
4. “Pedicab Driver Gets Another Lease in Life, Thanks to ‘Pinoy Health Pass’”. The Philippine Star. Web. 09 January 2003.
5. Waibel, Hermann. Working with the Poor for One Day. Web. 2011.
<http://www.scribd.com/doc/47163905/Working-with-the-poor-for-one-day>
6. Crossing Boundaries, Changing Lives: Philippines. Web. 5, July 2011.
<http://columnban.org/8991/welcome/crossing-boundaries-changing-lives/>
7. Paragas. Pedicabs in the City of Manila. DLSU-Manila. 1997. Print.
8. Postrado, Leonard D. “The Urban Kuliglig: A cheaper ride or a nuisance on metro roads?”. The Manila Bulletin. Web.
9. De Vega, Guismundo. Pedicab Driver. Interview. Manila. November, 2011.
10. Dictionary. “Pedicab”. Merriam-Webster. Web. 2011.
< http://www.merriam-webster.com/dictionary/pedicab>
11. Dictionary. “Pedicab”. Collins English Dictionary. Web. 2003.
< http://www.thefreedictionary.com/pedicab>
12. “The Jinrikisha Story: Harnessing Man in an Age of Enlightment”. The East. Web. November-December 1996.
<http://www.mmjp.or.jp/the-east/jinrikisha1-e.html>
13. Wheeler, Tony. L’Anson, Richard. Chasing Rickshaws. Australia: Lonely Planet Publications, Pty Ltd. 1998, page 180.
14. History of the Pedicab. Web. 2011.
< http://www.popspedicabs.com/Pedicab%20Information/historyofthepedi.html>
15. Matutina, Cecille. Pedicabs. Lifestyle and Entertainment Section. The Manila Chronicles. 1990. Print.
16. Land Transporation Office. Web. 2010.
< http://www.lto.gov.ph/>
17. Police Regional Office 8. Web. 2011.
< http://pro8.pnp.gov.ph/index.php?option=comcontent&view=category&layout>